Wala pang nakikitang panibagong bagyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na papasok sa bansa sa susunod na dalawang linggo.
Ito ay batay sa Tropical Cyclone Threat Potential Forecast na inilabas ng weather bureau, matapos ang pitong sunod-sunod na bagyo na pumasok sa nakalipas na linggo.
Sa kaparehong forecast summary, patuloy pa ring binabantayan ng PAGASA ang bagyong Pepito na may kategorya na lang na Severe Tropical Storm.
Nasa West Philippine Sea na ang bagyo at inaasahan na tuluyang lalabas ng Philippine Area of Responsibility.
Dahil dito, nanatiling nakataas ang babala para sa bagyo sa unang linggo ng forecast period.
Ayon pa sa PAGASA, inaasahang gaganda ang lagay ng panahon sa bansa sa pangkalahatan sa susunod na mga araw. | ulat ni Rey Ferrer