Sang-ayon ang Commission on Elections (Comelec) na ‘very unusual’ o kakaiba ang pagtaas ng bilang ng mga rehistradong botante sa Makati City kahit pa nabawas sa kanilang siyudad ang 10 EMBO barangay.
Matatandaang base sa desisyon ng Korte Suprema ay nasa ilalim na ng Taguig City ang sampung EMBO barangay.
Sa plenary budget deliberation ng panukalang 2025 budget ng Comelec, natanong ni Senadora Nancy Binay kung ilan ang mga bagong rehistradong botante at nagpalipat na botante sa Makati City.
Sa datos ng poll body, na binahagi ng budget sponsor nilang si Senadora Imee Marcos, nasa 18,555 ang mga bagong rehistradong botante sa Makati samantalang nasa 38,031 ang mga nagpalipat ng voters registration nila sa lungsod.
Kaya sa kabuuan, nasa 56,586 ang mga bagong botante sa Makati.
Ayon kay Senadora Imee, bumuo na ang Comelec ng task force para imbestigahan ang malaking nadagdag sa registered voter ng Makati.
Nilinaw naman ng senadora na walang kapangyarihan ang poll body na mag-alis ng mga pangalan sa voters list dahil ang korte lang ang makakagawa nito sa pamamagitan ng isang court order.
Kaugnay nito, may nakabinbin na aniyang kaso sa Municipal Trial Court para sa exclusion ng new registrants at transferees sa Makati City.
Dinagdag rin ni Senadora Marcos na kasalukuyan nang nirerebyu ng task force kung dapat pa bang payagan ang paggamit ng barangay certification bilang proof of residence ng isang botante.
Paliwanag ng mambabatas, nagkakaroon kasi ng suspetsa ng pulitika sa pagbibigay nito sa mga magpaparehistrong botante.
Nirerekomenda rin aniya ng Comelec na magkaroon ng batas na magbabawal ng paggamit ng barangay certificate.
Ni-refer na rin aniya ng poll body sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsasagawa ng fact-finding investigation kaugnay ng usaping ito.| ulat ni Nimfa Asuncion