Pumirma sa isang kasunduan ang Department of Justice (DOE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para bigyan ng vocational course ang isang bilanggo na kwalipikadong mabigyan ng probation, pardon, at parole.
Sa pitong pahinang Memorandum of Agreement na pinirmahan nina DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla at TESDA Secretary General Jose Francisco Benitez, magtutulungan sila para bigyan ng panibagong pag-asa ang mga nakulong dahil sa iba’t ibang kaso.
Tatlong taon ang epektibo ng nasabing kasunduan na naglalayong bigyan ng edukasyon ang mga mabibigyan ng pagkakataon na makalaya.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DOJ ang sasala sa mga kwalipikadong bilanggo na mabibigyan ng probation, parole, at pardon habang ang TESDA naman ang magbibigay ng skills training program na maaaring maging sandata sa paghahanap ng trabaho paglabas ng kulungan.
Ang probation ay mga taong nagkasala ngunit hindi pa naipapasok sa kulungan habang ang mga parolado ay nakapagsilbi na ng minimum sa kanyang pagkakakulong at ang pardon ay nabigyan ng kondisyon para siya ay makalaya. | ulat ni Mike Rogas