Itinulak ni House Speaker Martin Romualdez ang pinaigting na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia sa sektor ng kalakalan ng bigas, turismo, seguridad at depensa.
Bahagi ito ng kaniyang 2-days visit sa naturang bansa, kung saan sa unang araw ay kaniyang nakaharap si Cambodia Prime Minister Hun Manet.
Bilang nangungunang rice exporter ang Cambodia, mahalaga ani Romualdez ang kolaborasyon ng dalawang bansa para matiyak ang suplay ng abot kayang bigas, lalo na sa panahon ng kalamidad gaya na lang aniya ng magkakasunod na bagyong tumama sa Pilipinas.
“Collaborating with Cambodia, a leading rice exporter, will help us secure a steady supply of this vital commodity. Strengthening our food security not only protects Filipino families but also ensures our resilience in the face of extreme weather events,” ani Romualdez.
Aminado ang House leader na bagamat tumataas na ang ating produksyon ng lokal na bigas ay may pangangailangan pa rin sa pag-angkat.
Tinukoy din niya ang naging bilateral meeting ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Prime Minister Hun Manet sa sidelines ng ASEAN-Australia Special Summit noong nakaraang taon kung saan nagkasundo ang dalawang lider na palakasin ang rice trade ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagsasaayos sa isyu ng double taxation at ease of doing business.
Umaasa din si Romualdez na magiging matagumpay ang pagbisita ng Philippine Trade and Investment Mission sa Phnom Penh sa January 2025.
Kasama rin sa napag-usapan ng House leader at Punong Ministro ang pagsusulong ng turismo, people-to-people exchanges at pagtugon sa regional peace and security.
“Let me assure Your Excellency that the House of Representatives remains ready to enhance and deepen our ties with the National Assembly of Cambodia through various initiatives under the Philippines-Cambodia Parliamentarians Friendship Group, Inc.,” sabi pa ni Romualdez.
Inaasahan na bibisita sa susunod na taon sa Pilipinas ang Cambodian Prime Minister.
“I look forward to joining President Marcos in welcoming you to the Philippines in February for your Official Visit. As close neighbors and ASEAN partners, the Philippines and Cambodia share a mutual aspiration for growth and security. By working together, we can unlock new opportunities and create a better future for our peoples,” dagdag pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes