Nakadeploy na ang Mobile Command Center (MCC) ng DSWD Field Office 2 – Cagayan Valley sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya na isa sa mga labis na napinsala ng Bagyong Pepito.
Partikular na nakapwesto ito sa mismong munisipyo ng bayan sa barangay Don Mariano Marcos (Centro) harap ng Saint Dominic Cathedral.
Ayon sa DSWD, layon ng MCC na magbigay ng libreng charging service sa mga gadget ng mga mamayang apektado ng bagyo at libreng WiFi para makakonek sa internet.
Sa pamamagitan ng MCC, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga residente na makontak ang kanilang mga kamag-anak at makakuha ng mga update tungkol sa lagay ng panahon.
Una nang nagpadala ng karagdagang food packs ang DSWD sa lalawigan para matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa