Tinangkilik ng mga mamimili ang bentahan ng mas murang bigas sa mga palengke kabilang ang Murphy Market sa Quezon City.
Ayon kay Mang Mario, may bigasan sa palengke, wala pang isang linggo ay naubos na agad ang stock nila ng ₱42 kada kilo ng bigas dahil marami ang nakaabang nito.
Sa ngayon, nag-aantay pa umano ito ng supplier na makapag-aalok ng mas mababang wholesale price.
May available pa rin naman ang ₱45 na kada kilo ng well milled na bigas na mula sa Bulacan na pasok pa rin sa napagkasunduan na margin profit sa bentahan ng bigas.
Una na ring sinabi ng DA na maraming palengke ang sumusunod sa ₱42-₱45 na bentahan ng bigas.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel na nagsisilbing balanse ang mas mababa nang retail price para makatugon sa pangangailangan ng mga mamimili at mga magsasaka.
Ayon pa sa kalihim, ang retail price ng well-milled rice sa Pilipinas ay mas abot-kaya kumpara sa ibang bansang may produksyon din ng bigas tulad ng Thailand at China.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng DA na nakatutok sila sa suplay ng bigas sa gitna ng epekto ng magkakasunod na bagyo sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa