Tiniyak ng Estados Unidos ang kanilang suporta sa Pilipinas kasunod ng patuloy na pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.
Sa isang pulong balitaan sa Western Command sa Palawan, mariing kinondena ni US Defense Secretary Lloyd Austin ang mapanganib na mga aksyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Austin, nakikiisa ang US sa Pilipinas at handang tumulong sa ano mang paraan para mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Dagdag pa niya, ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa ay nananatiling matibay at handa silang tuparin ang kanilang obligasyon na ipagtanggol ang Pilipinas kung kakailanganin.
Samantala sinabi naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na nakababahala ang paggamit ng China ng mga pseudo-military vessels gayundin ang kanilang agresibong information operations laban sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Teodoro, na patuloy ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa mga kaalyado nitong bansa gaya ng US para resolbahin ang isyu sa West Philippine Sea nang mapayapa at ayon sa international law. | ulat ni Diane Lear