Inaprubahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang tatlong capital expenditure projects ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Layunin ng mga proyektong ito na palakasin ang transmission grid sa ilang lalawigan sa Luzon at Visayas.
Kabilang sa mga inaprubahang proyekto ang:
Bolo-Balaoan 500 kV Transmission Line Project na nagkakahalaga ng P17.09 bilyon. Ang proyektong ito ay magsisilbing backbone ng Luzon Grid sa hilagang-kanluran. Inaasahang matatapos ito ng November 30, 2026.
Ang ikalawa ang Northern Luzon 230 kV Loop Project na nagkakahalaga ng P16.8 bilyon. Layon nitong palakasin ang transmission corridor na makatutulong sa Cagayan, Kalinga, Apayao, at Ilocos Norte. Target itong matapos sa March 31, 2028.
Ang ikatlo ang Nabas-Caticlan-Boracay Transmission Project sa Visayas. May pondong P4.2 bilyon. Ito ay tutugon sa problema ng overloading sa mga kasalukuyang linya ng kuryente sa Panay Island. Target naman itong makumpleto sa May 2025.
Ayon kay ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, ang mga proyektong ito ay sumasalamin sa kanilang pangako na siguraduhin ang maaasahan, ligtas, at abot-kayang suplay ng kuryente sa bansa.| ulat ni Diane Lear