Aminado si Senador Sherwin Gatchalian na temporary importation ang solusyon para maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong pang agrikultura matapos ang pananalasa ng sunud-sunod na bagyo sa bansa.
Pero giit ni Gatchalian, dapat pansamantala lamang ang gagawing importasyon o pananadalian lamang at tatagal lang hanggang maging stable na ang suplay ng mga produkto.
Pinunto ng senador na malaki ang naging pinsala na idinulot ng magkakasunod na bagyo sa mga pananim kaya’t tiyak na kukulangin ang suplay ng bansa.
Karamihan pa naman aniya sa mga nasalantang lugar ay maituturing na rice granary kaya siguradong apektado ang suplay ng bigas sa bansa.
Sa pagtaya ni Gatchalian, kung pansamantalang mag-aangkat ang bansa ng mga kinakailangang produkto ay mananatiling stable ang presyo nito sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.| ulat ni Nimfa Asuncion