Ikokonsidera ng House Blue Ribbon Committee ang pag-imbita sa Philippine Statistics Authority o PSA ayon sa chairperson nito na si Manila Rep. Joel Chua.
Ito ay para matukoy aniya kung mayroon nga ba talagang indibidwal na may pangalang “Mary Grace Piattos”.
Kinuwestyon ng mga mambabatas ang naturang pangalan na lumbas sa acknowledgement receipt na isinumite ng Office of the Vice President bilang bahagi ng liquidation report para sa paggamit sa confidential funds.
Matatandaang una nang inanunsyo ni Zambales Rep. Jay Khonghun na magbibigay sila ng pabuya sa makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa kung sino si Piattos.
Sisiyasatin din aniya nila ang iba pang mga ginamit na pangalan sa isinumiteng resibo.
Maliban dito, balak din aniya nila ipasuri sa eksperto ang penmanship o sulat sa acknowledgment receipts dahil sa magkakaparehas na sulat-kamay at tinta ng panulat na ginamit.
Noong nakaraang pagdinig isa sa mga tinukoy ng mga mambabatas ang kaduda-dudang mga AR dahil sa mga maling petsa, magkakatulad na hand writing, at ilan na wala pang pirma.
“Well during the committee hearing iyan lang po yung Mary Grace Piattos po yung nailabas but anyway tomorrow meron naman tayong committee hearing tingnan po natin. Ang mga na-highlight duon, on top pa duon sa sinabi ko pa yung mga stroke po eh parang bagamat iba iba yung pangalan pero yung stroke kung papaano mo pinirmahan ito ay iisa lang. Tapos yung ballpen na ginamit – iisang tinta. Kaya medyo highly suspicious po yung mga acknowledgement receipt na isinumite…. kino-consider na rin po naming sa mga penmanship para mai-submit sa mga expert.” Sabi ni Chua. | ulat ni Kathleen Forbes