Naghain si Senador Robin Padilla ng isang panukalang batas na layong lumikha ng bagong autonomous region para sa mga mamamayan ng Sulu matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema na alisin sila sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)
Sa ilalim ng Senate Bill 2879 ni Padilla, pinapanukalang buuin ang Basulta Autonomous Region kung saan mapasasailalim ang mga probinsya ng Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Ayon sa senador, layon nitong maitaguyod ang political stability at economic development sa nasabing mga lugar.
Matutugunan aniya ng Basulta Autonomous Region ang pangangailangan ng mga probinsyang ito lalo na sa paghahatid ng pangunahing serbisyo at titiyakin ang epektibong pamamalakad ng pamahalaan at pagrespeto sa kultura at tradisyon.
Itinatakda sa panukala ni Padilla na sakop ng isinusulong na Basulta Autonomus Region ang mga siyudad at probinsyang boboto para sa ratipikasyon ng organic act nito sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Bibigyan ng pambansang pamahalaan ang autonomous region ng proportionate at equitable share sa taunang budget at foreign-assisted projects.
Magkakaroon rin ang panukalang autonomous region ng sariling Regional Assembly.
Ang sistema naman ng hustisya sa Basulta Autonomous Region ay sasang-ayon sa Saligang Batas, Shari’ah, tradisyonal na batas, at magkakaugnay na batas.| ulat ni Nimfa Asuncion