Bicolano solon, nagpasalamat kay Speaker Romauldez, mga ahensya ng pamahalaan, sa mabilis na pagtulong sa kanilang probinsya

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ipinaabot ni Ako Bicol Party-List Representative Elizaldy Co ang kaniyang pasasalamat kay Speaker Martin Romualdez sa pangunguna nito sa relief caravan ng Kamara para sa mga biktima ng magkakasunod na bagyo kasama na ang Super Typhoon Pepito.

Giit ni Co, ang mabilis at maagap na aksyon ng House Speaker ay patunay ng kanyang malasakit at dedikasyon sa ating mga kababayang nangangailangan.

“Ang relief efforts na ito ay isang malaking tulong para sa mga kababayan ko sa Bicol na nasalanta, lalo na sa mga taga-Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Catanduanes na matinding naapektuhan,” ani Co.

Martes nang makarating sa Bicol Region ang higit 20 truck ng relief goods at rehabilitation materials na bahagi ng “Tabang Bikol, Tindog Oragon” initiative.

Mayroon din cash assistance sa may 150,000 mahigit na benepisyaryo na nagkakahalaga ng higit ₱750,000.

“Napakahalaga ng mga ganitong programa na hindi lang nagbibigay ng agarang tulong, kundi nagtatayo rin ng pundasyon para sa muling pagbangon ng mga komunidad. Ako, bilang kinatawan ng mga Bicolano, ay patuloy na makikipagtulungan upang matiyak na maabot ang bawat nangangailangan,” dagdag ni Co.

Pinasalamatan din ni Co ang iba pang nakibahagi sa inisyatiba, partikular ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at private donors.

Sa hiwalay na pulong-balitaan sinabi ni Deputy Secretary General Sofonias Gabonada na maliban sa Quick Response Fund ng Office of the Speaker ay nag-ambagan din ang iba pang mga mambabatas mula sa kanilang personal na pondo, para mabuo ang 24 na truck ng relief goods na ipinadala sa Bicol.

“Yung mga hindi natamaan ng bagyo ay nagbigay din po ng suporta kaya nakabuo tayo ng 24 na truck papuntang Bicol dahil doon po sa kontribusyon din ng ating mga House Members through their personal funds and parati naman po, naging tradisyon na rin po iyan ng HOR, hindi lamang iyung Quick Response Fund ng Office of the Speaker, kundi yung contribution din ng ating mga mahal na House Members doon sa mga areas na nasalanta ng bagyong nabanggit natin,” ani Gabonada. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us