Inanunsyo ng Department of Finance (DOF) na pipirmahan ng Pilipinas at Cambodia ang kasunduan sa Double Taxation Agreement (DTA) sa Pebrero 2025.
Layon ng kasunduan na bawasan ang pasanin ng dobleng pagbubuwis para sa mga indibidwal at negosyo na may operasyon sa dalawang bansa.
Magbibigay ito ng daan para maalis ang mga hadlang sa kalakalan at pamumuhunan, at hikayatin ang cross-border na mga aktibidad sa ekonomiya.
Sakop ng DTA ang pagbubuwis sa kita ng mga mamamayan at residente ng Pilipinas at Cambodia, at tinutukoy nito kung paano ipapataw at ikikredito ang mga buwis alinsunod sa patakaran ng bawat bansa.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni DOF Revenue Operations Group Undersecretary Charlito Martin Mendoza na bukod sa Cambodia, nagpapatuloy rin ang negosasyon ng DTA kasama ang Lao PDR.
Plano rin ng DOF na baguhin ang mga kasunduan sa pagbubuwis sa Indonesia, Malaysia, at Singapore.
Anya, ang pagpapalawak ng ating DTA network, lalo na sa ASEAN, ay nagbibigay-daan sa mga negosyanteng Pilipino na ma-diversify ang kanilang merkado na may mas kaunting tax burden, kaya mas nagiging comperitive sila sa ibang bansa.
Dagdag pa niya, pinapalakas din ng DOF ang transparency at compliance sa pamamagitan ng mga inisyatibo tulad ng Mutual Administrative Assistance in Tax Matters at Automatic Exchange of Information upang mapanatili ang patas at makatarungang sistema para sa mga negosyo sa iba’t ibang bansa. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes