Maginhawa at maayos na ngayon ang pag-aaral ng mga bata sa Daycare Center sa Bud Tumantangis sa bayan ng Indanan, Sulu.
Hindi na mauulanan at maiinitan ang mga batang mag-aaral sa naturang mababang pampublikong paaralan matapos itong pagtulungan at kumpunihin ng mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) at barangay LGU.
Ayon kay PLT Raphael Hachuela, platoon leader ng 2nd Provincial Maneuver Platoon ng 1st PMFC, Sulu Provincial Police Office na nakabase sa Langtad, Indanan, ang 1st PMFC ang bumili ng yero at iba pang materyales na ginamit sa pagsasaayos ng bubong. Samantalang ang barangay naman, ayon sa kanya, ang umako sa gastusin para sa labor nito.
Nasundan ito ng pamamahagi ng mga school supplies tulad ng lapis, pang-sharpener, notebook, at papel sa May 40 batang mag-aaral sa Bud Tumantangis.
Inabutan din, ayon kay Hachuela, ng mga food packs na naglalaman ng bigas, de lata, noodles, kape, at iba pa ang mga magulang ng mga ito na nagkataong nandoon sa lugar upang bantayan ang kanilang mga anak. | ulat ni Fatma Jinno | RP1 Jolo