Muling hinikayat ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak na hindi pa nakakatanggap ng kahit anong bakuna o proteksyon laban sa iba’t ibang sakit.
Kasunod ito ng paglulunsad ng kampanyang “Bakuna BayaniJuan: Big Catch-up Immunization” ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD).
Inilunsad ito sa Caloocan Sports Complex kung saan nakatuwang ang pamahalaang lungsod ng Caloocan at iba’t ibang stakeholders.
Layon nitong itaas sa 95% ang bilang ng fully immunized child o FIC) sa NCR at mabawasan ang bilang ng mga zero-dose na bata.
Nakatuon ito sa mga batang may edad 0-23 buwan na hindi nakatanggap ng mga mahalagang bakuna tulad ng BCG, Hepatitis B, bivalent Oral Polio Vaccine (bOPV), Pentavalent, Pneumococcal Conjugate Vaccine (PCV), Inactivated Poliovirus Vaccine (IPV), at Measles, Mumps, and Rubella (MMR).
Bukod dito, babakunahan din ang mga buntis para sa Tetanus-Diphtheria at ang mga matatanda na may edad 60 pataas para sa kinakailangang bakuna.
Tatagal ang Bakuna Bayanijuan hanggang December 16 kung saan target na mabakunahan ang nasa 107,995 na bata laban sa Vaccine-Preventable Diseases (VPDs). | ulat ni Merry Ann Bastasa