Pormal na inihain ng Quad Committee ang ika-apat na panukala na bunga ng kanilang pagdinig sa isyu ng POGO, iligal na droga, iligal na pagbili ng lupa at mga korporasyon at extra judicial killings.
Pinangunahan ni Quad Comm lead Chair Robert Ace Barbers ang paghahain sa House Bill 11117 na layong kanselahan ang mga birth certificate na pineke o iligal na nakuha ng mga foreign nationals.
“The [House] Bill 1107 was just filed as a result of the committee hearings conducted by the Quad no this is the ano administrative cancellation of the birth certificates fraudulently acquired by foreign nationals. Alam naman natin na for the last several years ay marami pong chinese na naging Pilipino and dahil sa kanilang pagiging Pilipino sila ay naka-acquire ng lupa, sila ay nakapag-organize ng mga korporasyon na 100 percent na kanilang pagmamay-ari.” sabi ni Barbers
Matatandaan na isa sa mga pinaiimbestigahan sa Kamara ang natuklasang 1,200 na pinekeng birth certificate na inisyu ng local civil registrar sa Davao del Sur nitong July 2024.
Salig sa panukala bubuo ng isang Special Committee on Cancellation of Fraudulent Birth Certificates na pamumunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) Registrar General, kasama ang Department of Foreign Affairs, Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, at Office of the Solicitor General (OSG).
Bibigyan ng kapangyarihan ang komite na imbestigahan ang mga reklamo, ipasubpoena ang mga ebidensya at mag desisyon ukol sa kwestyunableng birth certificate sa loon ng 30 araw matapos makakakuha ng ebidensya.
Bibigyan naman ng labinlimang araw ang foreign national na tumugon sa reklamo.
Magiging executory agad ang desisyon ng komite na maaaring iapela sa Office of the President.
Mahaharap naman sa administrative at criminal complaint ang mga opisyal ng gobyerno o pribadong indibidwal na tutulong sa pamemeke ng rehistro ng birth certificate.
“…doon sa mga kawanin ng gobyerno na mapapatunayan involved sa pagpapalabas itong dokumento ito na fraudulent ay magkakaroon ng kaso, mga administrative cases, possibleng falsification of public documents, may criminal na pwede ikaso sa kanila, grave abuse of authority…Hindi natin palalampasin ang mga kawanin ng gobyerno na naging instrumento sa anomalyang ito.” Babala ni Barbers. | ulat ni Kathleen Forbes