Handa na ang mga atleta ng Dabawenyo para sa 2024 Batang Pinoy National Championship at Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area Northern Territory (BIMP-EAGA + NT) friendship games.
Ang Batang Pinoy ay isasagawa simula ngayong araw hanggang Nobyembre 30, habang ang BIMP-EAGA friendship games naman ay isasagawa mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 6 sa Puerto Princesa, Palawan.
Sinabi ni Davao City Sports and Development Division officer-in-charge Michael Denton Aportadera na ang target ng mga atleta ngayon ay manalo at malampasan ang 3rd place sa Batang Pinoy noong nakaraang taon, habang 4th place naman sila sa 10th BIMP-EAGA friendship games noong 2018.
Siniguro naman nito na ang mga delegado ay handa sa nasabing kompetisyon, lalo na’t sumailalim ang mga atleta sa matinding pagsasanay.
Nasa 287 atleta ang sasabak sa Batang Pinoy para sa archery, arnis, athletics, badminton, basketball, beach volleyball, boxing, chess, cycling, dancesport, futsal, gymnastics, at jiu-jitsu.
Habang 90 delegado naman ang lalahok sa BIMP-EAGA friendship games para sa archery, athletics, badminton, esports, pencak silat, sepak takraw, swimming, at karate-Do. | ulat ni Shiela Lisondra | RP1 Davao