Nakapagtala na ng inisyal na P40,675,916 halaga ng pinsala ang National Electrification Administration (NEA) sa mga Electric Cooperative na sinalanta ng nagdaang apat na bagyo.
Sa ulat ng NEA-DRRMD, halos pareho ang mga lugar na dinaanan ng mga Bagyong Marce, Nika, Ofel at Pepito na lubhang nakaapekto sa mga ECs sa lugar.
Hanggang kahapon may 27 ECs na nag-o-operate sa 21 lalawigan mula sa 7 rehiyon ang mahigpit pang mino-monitor ng NEA.
Sa kasagsagan ng Bagyong Pepito, napilitan ding i-shutdown ang operasyon ng AURELCO sa Aurora, FICELCO sa Catanduanes, NUVELCO sa Nueva Viscaya at QUIRELCO sa Quirino Province.
Nagpapatuloy pa rin ang restoration efforts sa 22 pang ECs sa ilalim ng partial power interruption status.
Sa ngayon, 314 mula sa kabuuang 376 na munisipalidad o 83.51 % ang naibalik na ang normal na suplay ng kuryente habang nagpapatuloy pa ang damage assessments.| ulat ni Rey Ferrer