Pinuri ng mga senador ang matagumpay na diplomatic effort ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagbigay daan sa pagpapauwi sa Pilipinas sa kababayan nating si Mary Jane Veloso.
Ito ay pagkatapos ng 14 na taon sa death row sa Indonesia.
Binigyang diin ni Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Senator Raffy Tulfo, na ito ay resulta ng puspusang pakikipag ugnayan ni Pangulong Marcos katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamahalaan ng Indonesia, para matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy doon.
Nagpasalamat ang senador sa walang patid na commitment ni Pangulong Marcos sa pagprotekta sa ating mga kababayan sa ibang bansa, at pagtataguyod ng matatag ng diplomatic ties sa Indonesia.
Ipinunto naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, na biktima lang ng pagkakataon si Veloso.
Ipinapakita aniya ng kanyang sitwasyon ang pangangailangan na protektahan ang mga manggagawang Pinoy na nasa kapareho niyang sitwasyon, at palakasin ang mga mekanismo laban sa human trafficking at illegal recruitment.
Kaugnay nito, hinikayat ni Estrada ang Department of Justice (DOJ) na ikonsidera si Veloso bilang biktima ng human trafficking at hindi isang kriminal.
Giniit ng senador, na dapat pag aralan ng DOJ ang opsyon para sa clemency o pagpapababa ng kanyang sintensya. | ulat ni Nimfa Asuncion