Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Animal Industry na magtatag ng livestock, poultry at meat industry inspection sites sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Layon nitong makontrol ang pagkalat ng sakit ng mga hayop gaya ng avian influenza at African swine fever.
Kailangan aniyang makipagtulungan ang National Veterinary Quarantine Services Division ng BAI sa mga local government unit para magtatag ng quarantine checkpoints.
Sabi ng kalihim, magsisilbing pananggalang ang inspection sites laban sa pagkalat ng mga sakit ng hayop na nagiging banta hindi lamang sa local livestock at poultry industries kundi pati na rin sa kalusugan ng publiko at seguridad sa pagkain.
Ang ASF ay muling lumutang sa Region IV-A at may mga panibagong ulat nang pagkalat ng sakit sa mga lugar na dating naapektuhan ng kontaminasyon.
Ang mga kaso naman ng highly-pathogenic avian infuenza ay patuloy na natutukoy at nananatiling malaking banta sa local poultry industry.
Bukod sa pagtatatag ng inspection sites, inatasan din ang BAI na i-assess ang missing links sa quarantine wall upang masiguro ang mahigpit na border controls. | ulat ni Rey Ferrer