Tiniyak ni Senate Committee on Finance chairperson Senadora Grace Poe na sa bersyon ng Senado ng 2025 Budget Bill, ay dinagdagan nila ang AKSYON fund ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa pagbibigay ng legal, medical at financial assistance sa overseas Filipino workers (OFWs).
Ang pahayag na ito ni Poe ay kaugnay ng pagpapauwi sa Pilipinas kay Mary Jane Veloso.
Dinagdag rin ng senadora na titiyakin rin nilang magkakaroon ng sapat na pondo para sa National Reintegration Center at OFW helpdesks.
Hiwalay pa aniya ito sa pondo ng DSWD para sa mga umuuwing undocumented OFWs para makakuha ng counseling at livelihood training.
Giniit ng mambabatas na walang Pilipinong manggagawa sa ibang bansa ang dapat na maging biktima ng isa pang death sentence.
Pinuri rin ni Poe ang mutual effort ng mga gobyerno ng Pilipinas at Indonesia para maging posible ang pagpapauwi sa bansa kay Veloso.
Dapat lang aniyang pahalagahan at protektahan ang kapakanan ng ating mga OFW at tiyakin ang kanilang mga karapatan.| ulat ni Nimfa Asuncion