Dinagdagan ng Senado ng ₱100-million pesos ang intelligence fund ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng bersyon nila ng 2025 Budget Bill.
Sinabi ito ni Senador Risa Hontiveros kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa panawagang ibalik ang ₱10 bilyong pisong pondong nabawas sa alokasyon para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program para sa susunod na taon.
Ayon kay Hontiveros, kailangan ang pondong ito dahil huling-huli na ang ating Sandatahang Lakas sa kanilang modernisasyon, lalo na sa Horizon 2 ng programa na nakatutok pa naman sa pagpapalakas ng pwersa ng bansa sa West Philippine Sea.
Partikular na nais mapalakas ng mambabatas ang pwersa ng Philippine Navy at Philippine Air Force, bukod pa sa Philippine Army.
Umaasa si Hontiveros na pagdating sa Bicameral Conference Committee ng 2025 Budget Bill ay magkakaisa ang Senado at Kamara pagdating sa usaping ito.
“I really hope we can restore it… Kailangan naman natin, kahit year on year, over the next few years… para talagang maabot natin yung credible defense posture, maabot natin sa panig ng gobyerno at pati ng ating private sector, yung self-reliant defense posture,” ani Hontiveros. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion