Sa pinaigting na kampanya kontra dengue, isang Simultaneous Dengue Information and Cleanup Drive ang isasagawa ng Quezon City LGU sa lahat ng barangay sa lungsod.
Isasagawa ito sa Sabado, November 23, ganap na alas-7 ng umaga.
Kaugnay nito ay hinikayat ng pamahalaang lungsod ang lahat na makiisa sa paglilinis ng loob at labas ng bahay upang walang mga lamok na mangitlog at magdala ng dengue sa komunidad.
Ilan sa mga maaaring gawin ang magtapon ng naimbak na tubig sa mga lalagyan kagaya ng flower vase at flower pots, alulod, gulong, mga takip, bote, at timba, tanggalin o butasan ang mga gulong sa ibabaw ng bubong at paligid ng bahay at linisin ang mga nakabara sa mga kanal o daluyan ng tubig.
Una rito, tuloy-tuloy nang nagsasagawa ng spraying kontra dengue ang Sanitation Inspectors ng QC Environmental Sanitation Division sa mga lugar upang puksain ang mga lamok sa iba’t ibang distrito sa lungsod.
Patuloy din ang pagsasagawa ng Dengue Case Investigation at Lectures na pinangungunahan ng mga Surveillance Officers ng QC Epidemiology and Surveillance Division para ibahagi sa mga residente ang mga dapat nilang malaman tungkol sa sakit na Dengue. | ulat ni Merry Ann Bastasa