Namahagi ang United Arab Emirates o UAE ng isang libong food boxes sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Kristine sa Agoncillo, Batangas, kamakalawa.
Ayon sa pabatid ng DSWD Calabarzon, pinangunahan ito ni First Secretary Obaid Ahmed Alshehhi ng Embahada ng UAE sa Pilipinas.
Bawat food box ay naglalaman ng bigas, tubig, gatas, kape, at pagkaing de-lata.
Bahagi ito ng humanitarian aid ng UAE para sa mga lugar na apektado ng mga kalamidad.
Bukod sa Agoncillo, namahagi rin ang naturang bansa ng tulong sa mga pamilyang sinalanta ng Bagyong Kristine sa Lemery, San Nicolas, Talisay, at Laurel.
Umabot sa 3,750 food boxes ang naipamahagi sa limang lokalidad. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena