Umabot na sa 36,600 pamilya sa Catanduanes na naapektuhan ng super bagyong Pepito ang napaabutan na ng tulong ng DSWD.
Ito’y batay sa pinakahuling ulat ng DSWD Bicol na ibinahagi sa Media Forum na isinagawa sa lalawigan kahapon, November 21.
Aabot na sa P28.41 milyon ang halaga ng mga asistensyang ito kung saan P25.42 milyon ang food items, P922.2 libo ang non-food items, habang P2.06 milyon naman ang naipamahaging cash assistance sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP.
Ayon kay DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio, makakamit nila ang target na makapag-deliver ng 45,000 food packs bago dumating ang araw ng Sabado, batay na rin sa ipinangako ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa ginawang pagbisita nito sa lalawigan.
Sa ngayon, tiniyak ni Laurio na nakapagpaabot na ang ahensya ng inisyal na tulong sa lahat ng bayan sa Catanduanes at magpapatuloy ito hanggang sa kailangan pa ng probinsya. | ulat ni Juriz Dela Rosa | RP1 Virac