Bata man o matanda sa bayan ng Basilisa, Dinagat Islands Province, tumugon sa panawagan ng Department of Health (DOH) Caraga Regional Office na magpabakuna upang maiwasan ang mga nakamamatay na sakit.
Naging katuwang ng DOH Caraga ang Municipal Health Office sa malawakang pagbabakuna kamakailan lamang, kung saan prayoridad ang mga residenteng naninirahan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA).
Ngunit bago pa man ang bakunahan, isinailalim muna ang mga residente sa oryentasyon hinggil sa immunization program upang pagtibayin at palakasin ang kanilang kaalaman ukol dito.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng bakuna at ang benepisyo nito sa pagprotekta ng kalusugan ng tao at upang matiyak na patas ang access ng bawat isa sa libreng bakuna.
Ipinahayag ni Dr. Kevin John U. Castelo, Municipal Health Officer ng Basilisa, na isa sa mahahalagang papel ng bakuna ay ang pag-iwas sa sakit na nakahahawa sa isang tao.
Ipinaunawa rin sa mga magulang na walang dapat ipag-alala sa mga bakuna; bagkus, nararapat aniya na samantalahin ang mga school-based immunization, maging ang tinatawag na ‘Big Catch-up.’
Matapos ang talakayan tungkol sa Health Promotion Advocacy, isinagawa ang ceremonial vaccination para sa mga bata, buntis, at senior citizen. Nagpasalamat naman ang mga nakabenepisyo sa nabigyang-pansin ang gaya nilang nasa vulnerable sector. | ulat ni May Diez | RP1 Butuan