Pag-protekta sa mga magsasaka at mangingisda sa harap ng mga kalamidad na tatama pa sa bansa, ipinangako ni Pangulong Marcos.

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga magsasaka at mangingisda na ipasok sa pinalawig na crop insurance ang kanilang mga kabuhayan o pananim at gamit sa pangingisda.

Pahayag ito ng pangulo, kasunod ng bilyong pisong halaga ng pinsala na iniwan sa sektor ng agrikultura ng anim na magkakasunod na bagyong nanalanta sa bansa, kung saan isa sa mga pinaka-apektado ay ang mga magsasaka at mangingisda.

“Pinapalawig ng Department of Agriculture ang insurance ng ating [mga] magsasaka at mangingisda upang masiguradong kayo ay handa at protektado sa anumang pinsala ng krisis o sakunang darating sa inyong mga sakahan,” -Pangulong Marcos.

Sa distribusyon ng Certificate of Land Ownership Award sa Isabela, sinabi ng pangulo na sa oras na mai-enroll na sa Philippine Crop Insurance Corporation ang kabuhayan ng mga ito, mabibigyang proteksyon ang kanilang kabuhayan laban sa kalamidad o sakuna.

Binigyang diin ng Pangulo na napakahalaga ng pagkakaroon ng insurance lalo na sa mga rehiyon na madalas tamaan ng bagyo o kalamidad.

“Bukod pa riyan, hindi tumitigil ang gobyerno sa paggawa ng mga hakbang para maging moderno at angkop sa pagbabago ng klima ang mga proseso at kagamitang pang-agrikultura,” -Pangulong Marcos.

Sa pagbisita naman ngayong araw ni Pangulong Marcos sa Pangasinan para sa pamamahagi ng higit PhP50 million na presidential assistance at iba pang tulong ng gobyerno, matapos ang pagdaan ng magkakasunod na bagyo, siniguro ng Pangulo na nagdi-develop na ng agricultural equipment ang pamahalaan, upang makasabay sa impact na dala ng nagbabagong panahon.

“Sa ating mga magsasakang labis din na naapektuhan ng nakaraang sakuna, patuloy tayong [lumilikha] – kasama ng mga siyentipiko – ng makabagong kagamitan sa pagsasaka na matibay at angkop sa pabago-bagong panahon,” —Pangulong Marcos. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us