Muling hinikayat ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtatag ng Anti-Scam Center sa bansa para tugunan ang lumalalang problema ng mga scam.
Sa deliberasyon ng Senado para sa panukalang 2025 budget ng DICT, binigyang diin ni cayetano ang pangangailangan para sa Pilipinas na magkaroon ng katulad na sistema sa gitna ng mga nagsusulputang mas sopistikadong mga scam.
Ang minumungkahing Anti-Scam Center ng senador ay gaya aniya ng mga tinatag sa mga bansang Singapore at Hong Kong kung saan sa iisang opisina ay mayroong mga pulis, IT personnel, at mga bangko.
Binanggit din ni Cayetano na ang pagkakaroon ng mahusay na anti-scam system ay hindi lamang makababawas sa bilang ng mga scam, kundi makatutulong din sa pagbawi ng malalaking halaga ng pera, gaya ng napatunayan sa tagumpay ng Singapore.
Kaya naman nanawagan din si Cayetano kay DICT Secretary Ivan John Uy na simulan ang mga hakbang para maitatag ang isang anti-scam center.
At sana aniya ay sa susunod na taon ay nakapaglatag na ng budget para dito. | ulat ni Nimfa Asuncion