Muling nagbigay babala ang Department of Health (DOH) hinggil sa posibleng pagdami ng kaso ng dengue matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang tubig na naipon mula sa mga Bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel, at Pepito ay maaaring pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus.
Batay sa datos noong Nobyembre 16, 2024, bumaba ng 17% ang mga bagong kaso ng dengue, ngunit nananatili pa rin ang banta nito dahil umabot na sa kabuuang 340,860 na kaso ang naitala ngayong taon—81% na mas mataas kumpara noong 2023. Bagamat bumaba ang case fatality rate sa 0.26%, tinatayang nasa 881 na ang nasawi dahil sa dengue.
Paalala ng DOH, linisin ang mga lugar na naiipunan ng tubig, gumamit ng insect repellant, at agad kumonsulta kung may sintomas tulad ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, at pagsusuka.
Ani Herbosa, kailangang magkaisa ang publiko kasama ang LGU, barangay, at mga pamilya upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad laban mula sa dengue.| ulat ni EJ Lazaro