Nagkaisa ang mga lider ng Kamara de Representantes sa pagsuporta kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez at tinawag na desperadong hakbang ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga kontrobersya hinggil sa diumano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong pondo ng Confidential Funds.
Binigyang-diin nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe na ang Speaker at ang Kamara ay palaging sumusunod sa prinsipyo ng transparency at mabuting pamamahala.
Pinayuhan ni SDS Gonzalez ang Pangalawang Pangulo na kumunsulta na ng doktor dahil marahil ay nagha-hallucinate na ito.
Dagdag pa nito na malinis ang report ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng pera ng taongbayan ng House of Representatives under Speaker Romualdez, ‘di gaya ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon naman kay Suarez, ang mga paratang ni Vice President Duterte ay istorya, drama, budol-budol, at diversionary lang sa hindi maipaliwanag na paggastos ng Confidential Funds na tinanggap ng OVP at Department of Education (DepEd) noong siya ay Education secretary pa.
Ayon naman kay Dalipe, ang imbestigasyon ng House ay upang protektaha ang pondo ng bayan base sa report ng Commission on Audit. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes