Bagama’t aminadong nagdagdag ng secutiy personnel sa Batasan Pamabansa, sinabi ni House Sec. General Reginald Velasco na hindi kailangan itaas ang heightened o red alert.
Ito ang sinabi ni Velasco nang matanong ng media kung may paghihigpit sa seguridad dahil sa pagbabanta sa buhay ni Speaker Martin Romualdez.
“Wala, wala namang red alert.” saad ni Velasco.
Aniya, sa ngayon ay humingi lang sila ng dagdag na tauhan mula sa Philippine National Police (PNP).
Bukod pa ito sa posibleng pagdalo sa ika-pitong pagdinig ng House Blue Ribbon Committee ni Vice President Sara Duterte.
“Nag-double security kami. Ang nag-o-augment sa amin ‘yung PNP. Kasi hindi naman kami makaka-hire ng additional. So, kapag may addtional security requirement, we always ask the PNP.” ani Velasco.
Wala rin naman aniyang pagdaragdag sa close in ng House Speaker.
Matatandaan na sa isang online press conference ay sinabi ni Vice President Sara Duterte na oras na siya at mapatay, ay may kinausap na siyang tao para patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes