Hindi ligtas sa demanda o walang immunity from suit si Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Justice Undersecretary Jesse Andres kasunod ng kontrobersiyal na pagbabanta ni VP Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand r. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez, sakali aniya na mayroong mangyaring masama sa kaniyang buhay.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na kahit pa bise-presidente si Duterte ay maaari rin aniya itong sampahan ng kasong kriminal at administratibo.
Ang Office of the Ombudsman, maaari rin aniyang disiplinahin si VP Sara o kaya’y gumawa ng kaukulang hakbang o imbestigasyon laban sa mga matataas na opisyal ng gobyerno tulad ng pangalawang pangulo ng bansa.
“The Vice President is not immune from suit. She can be the subject of any criminal, administrative case and the Ombudsman also has authority to do its duty to discipline and to take necessary measures to deliver on its mandate as the investigator of all high-ranking government officials. So, it is within the authority of the Ombudsman to act on this matter as well.” —Andres.
Ayon sa opisyal, dahil mataas ang posisyon ng bise presidente mas dapat na maging accountable ito sa mga binibitiwang pahayag.
“Sa kaniya pong bagong pananalita, hindi po maaaring isantabi lang iyan at kailangan po ng ating gobyerno na kumilos dahil po ang isang halal na Pangulo ay binigyan po ng banta ng isang mataas ding opisyal ng gobyerno na may kakayahan din na gawin ito. Kaya kami po, we are not leaving any stone unturned, we will take every effort to protect the President and to investigate everyone that could possibly be involved in this assassination plot of the three high-ranking officials of government.” —Andres. | ulat ni Racquel Bayan