Inendorso na ng Senate Committee on Foreign Relations sa plenaryo ng Senado ang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Sinabi ni committee chairperson Senadora Imee Marcos na matapos ang ginawang committee hearing ngayong araw ay paplantsahin na lang nila ang ilang mga isyu tungkol sa jurisdiction at privileges na ibibigay sa Japanese visiting forces gayundin ang civilian component nito.
Sa naging talakayan, natanong rin ni Senadora Imee kung legal pa rin bang magsagawa ng joint military exercises ang mga tropa ng Japan at Pilipinas kung wala ang kasunduan na ito.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., tanging maritime cooperative activity lang ang pwedeng gawin nang walang RAA.
Ipinaliwanag ni Teodoro na ang mga aktibidad na ginagawa ngayon ng Japanese at Philippine troops ay maituturing pa lang na cooperative activity.
Hindi rin naman aniya sa loob ng land at maritime territory ng Pilipinas ginagawa ang mga aktibidad na ito at kung mayroon man ay sa mga lugar na mayroong right of passage ito isinasagawa.
Una nang pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang RAA noong Hulyo ng taong ito at base sa nakasaad sa konstitusyon, kailangan ng concurrence o pag apruba ng Senado ang anumang international treaty o agreement na papasukin ng bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion