Tuloy-tuloy ang pagpapaabot ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office National Capital Region (NCR) sa mga pamilyang nasunugan sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila.
Ayon sa DSWD, karagdagan pang 1,700 sleeping kits ang ipinadala nito sa Delpan Evacuation Center kung saan pansamantalang nananatili ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Ang bawat sleeping kit ay may lamang dalawang kumot, isang banig, isang kulambo, isang malong, isang unan, at isang plastik na kahon na maaaring paglagyan ng mga personal na gamit.
Bahagi ito ng non-food items na hatid ng DSWD para sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna lalo na ang Internally Displaced Persons (IDPs).
Una na ring nagbigay ng 1,000 food packs ang DSWD para sa tinatayang 2,000 pamilya na lubos na naapektuhan ng sunog sa Purok 1, 2, 3, Isla Puting Bato. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 DSWD