Aabot sa 12 hanggang 14 na mga proyektong magpapaangat sa sektor ng agrikultura ang nakahanay ngayon sa Department of Agriculture (DA) sa tulong ng World Bank, Asian Development Bank (ADB), at French government.
Kasama rito ang nasa isang bilyong dolyar na Philippine Sustainable Agriculture Transformation project.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, oras na maselyuhan ang loan agreement para dito sa Hunyo ng 2025, ito ang magiging pinakamalaking proyekto ng kagawaran.
Bukod sa proyektong ito, lumarga na rin ang scoping mission para sa $300-milyong proyekto na Micro, Small and Medium (MSMEs) Access to Finance and Climate Resiliency Project sa pakikipagtulungan naman sa World Bank.
Mayroon ding naaprubahang $250-million solar irrigation project; at $140-million grant para project preparation ng port installations, pipe irrigation system, at aquaculture project.
Nakipag-partner na rin ang DA sa French government para sa pagtatayo ng 300 farm-to-market bridges sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa