Mahigpit ang tagubilin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. sa lahat ng mga sundalo na manatiling tapat sa Chain of Command.
Ito ang mensahe ng AFP chief sa gitna na rin ng tumitinding bangayan sa politika kung saan, nakakaladkad pa sa usapin maging ang mga nasa unipormadong hanay.
Ayon kay Brawner, hindi dapat magpa-apekto ang mga sundalo sa ingay ng politika, bagkus, dapat tutukan lamang ng mga ito ang pagtupad sa kanilang tungkulin.
Dapat manatiling tapat ang mga sundalo sa Saligang Batas gayundin sa Tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas bilang kanilang Commander-in-Chief.
Ginawa ng AFP chief ang pahayag kasunod ng pinakawalang banta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez. | ulat ni Jaymark Dagala