Tagumpay na nalagpasan ng National Food Authority (NFA) Camarines Sur ang kanilang itinakdang target ngayong 2024 na makabili ng 241,000 sako ng palay. Sa kasalukuyan, nakabili na sila ng kabuuang 400,445 sako, na katumbas ng 166% ng kanilang target.
Ayon sa NFA, ang mataas na accomplishment na ito ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na masiguro ang sapat na suplay ng bigas sa rehiyon, lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad. Ang kabuuang rice recovery mula sa milling ng kanilang stock ng palay ay tinatayang aabot sa 233,683 sako ng bigas. Ang suplay na ito ay sasapat para sa labindalawang araw na pangangailangan ng Camarines Sur at Camarines Norte.
Samantala, aktibo ang ahensya sa pagpapamolino ng palay upang magbigay-daan sa mga bagong ani. Puno na ang mga bodega ng NFA, kaya’t patuloy nilang binibigyang-pansin ang tamang pag-iimbak at pagproseso ng palay.
Ang presyo ng bigas sa NFA ay ₱38 kada kilo o ₱1,900 kada sako. Para sa mga Local Government Units (LGUs) at iba pang requesting agencies, kinakailangang maghain ng request letter na nagsasaad ng bilang ng sako at layunin ng pagbili.
Mula November 25, 2024, nakapag-issue na ang NFA Camarines Sur ng kabuuang 22,254 sako ng bigas para sa mga LGU, mambabatas, at disaster relief agencies na tumutulong sa mga apektado ng kalamidad.
Tiniyak ng NFA na patuloy silang magiging katuwang ng pamahalaan sa pagsigurong may sapat na suplay ng bigas sa bawat sambahayan sa rehiyon. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay