Nanindigan ang National Security Council (NSC) na mayroong implikasyon sa pambansang seguridad ang pinakawalang banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, sa Unang Ginang, at House Speaker.
Ito’y makaraang kuwestyunin ng Pangalawang Pangulo ang pagkabahala ng NSC sa seguridad at buhay ng Pangulo gayung isa rin naman siyang opisyal na inihalalal ng taumbayan.
Pero giit ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, hindi ito tungkol sa politika kundi sa interes ng bayan.
Sa halip aniya na pag-atake sa integridad ng institusyon, sinabi ni Malaya na dapat hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon sa banta laban sa buhay ng Pangulo.
Binigyang-diin pa ni Malaya na ang seguridad ng Pangulo ay sumasalamin sa seguridad ng bansa bilang pinuno nito kaya’t dapat na protektahan upang maipagpatuloy ang pagseserbisyo sa sambayanang Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala