Nasa tatlong priority action ang nakikita ng National Nutrition Council (NNC) upang maisakatuparan ang Zero Hunger Policy ni Pangulong Ferdinad R. Marcos Jr.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni NNC Officer Ellen Abella na una na dito ang pagtugon sa hamon ng food security sa bansa, maging ang pagtugon sa malnutrisyon.
Nakapaloob rin dito ang pagtitiyak na ang mga pagkain mula sa mga sakahan ay makakaabot sa hapag-kainan ng mga Pilipino.
“So iyong farm-to-table, ibig sabihin ay iyong mga nanggagaling sa markets, sa mga farms po ay maaaring ma-access, maaaring mabili at mayroon pong markets na kung saan puwedeng mapuntahan at mabili iyong mga products po na ito.” — Abella
Ikalawa ayon kay Abella ang pagtugon sa epekto ng inflation sa bansa.
Kailangan aniyang ayusin ang food systems o ang pagsisiguro na ang supply ng pagkain at abot-kayang presyo nito ay makakarating sa bawat tahanan ng pamilyang Pilipino.
Habang kabilang rin sa mga aksyong ito ang pagpapakilos sa lahat ng ahensya ng pamahalaan, katulong ang iba pang sektor, non-government agencies, civil sector organizations, at mga development partner ng gobyerno para sa sama-samang pagtugon sa Zero Hunger Policy ng administrasyon.
Ayon kay Abella, sila sa NNC, tinatapos na ang next cycle ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) para dito. | ulat ni Racquel Bayan