Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na sinusolusyunan na nila ang pagnanakaw ng electrical wires at mga metro ng kuryente.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng renewal ng prangkisa ng Meralco sa susunod na 25 taon, natanong ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Raffy Tulfo kung ano ang ginagawa ng kumpanya kaugnay ng system loss charge sa kuryente na ipinapasa o dinadagdag sa binabayaran ng mga Meralco customer.
Kabilang sa system loss na ito ang mga non-technical system loss na sanhi ng mga error sa pagbabasa ng metro at pagnanakaw ng kuryente.
Ayon kay Meralco Chief Operating Officer Ronnie Aperocho, isa sa mga ginagawang paraan ng Meralco ay ang itaas ang mga metro para maiwasan ang tahasang pagnanakaw ng kuryente.
Kasama na rin aniya sa mga balak ng kumpanya ay ang ilipat underground o sa ilalim ng lupa ang mga linya ng kuryente.
Sa ganitong paraan ay matutugunan na rin ang spaghetti wires o ang sala-salabat na mga kable ng kuryente na sa sobrang dami ay nagiging delikado na lalo kapag may bagyo.
Sinabi ni Aperocho, kasama na ang planong ito sa budget ng kanilang kumpanya sa susunod na limang taon.
Nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng Meralco sa taong 2028. | ulat ni Nimfa Asuncion