Sinimulang talakayin ng House Committee on Energy at Committee on North Luzon Growth Quadrangle ang ilang anomalya sa ISELCO-1, ang electric cooperative sa lalawigan ng Isabela.
Salig ito sa dalawang magkahiwalay na resolusyon at privilege speech ni Isabela Representative Faustino ‘Inno’ Dy V.
Batay sa deliberasyon ng komite, lumalabas na binabawasan o kinakaltasan ang suweldo kada buwan ng mga empleyado ng para sa One-EC MCO Network Foundation.
Base sa iprinisintang joint affidavit na inihain ng mga empleyado mula sa ISELCO-1, kinakaltasan umano ang rank and file employees ng P100; P150 naman sa mga supervisor; P500 sa department heads; at ang Board of Directors ng P200.
Batay sa talaan ng Securities and Exchange Commission (SEC), ang One-EC MCO Network Foundation ay itinayo ng mga opisyales ng iba’t ibang electric cooperatives sa bansa, kung saan kabilang sina Philreca Party-list Rep. Presley De Jesus, at APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc.
Binigyang diin naman ng Department of Labor and Employment (DOLE), na ang naturang pagkaltas ay labag sa DOLE Labor Advisory No. 11 Series of 2014 o ang Non-Interference in the Disposal of Wages and Allowable Deductions. Tanging ang mga deduction na nakasaad sa batas, kasama na ang insurance premium, o mga pagkaltas na may nakasulat na pag payag ng mga empleyado ang maaaring ikaltas sa sahod ng mga epleyado. | ulat ni Kathleen Forbes