Sinasabing sangkot sa Chinese intelligence activities sa Pilipinas ang negosyante at dating economic adviser na si Michael Yang.
Yan ang naging pahayag ni Senador Risa Hontiveros sa pagpapatuloy ng pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Women tungkol sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Iprinisinta ni Hontiveros ang litrato ni Michael Yang kasama ang self confessed Chinese spy na si She Zhijiang.
Tinukoy pa ng senador na sa Yatai Spa sa may Newport City sa Pasay City nag ooperate ang Chinese communist propaganda…
Aniya, nagpamasahe dito ang isa niyang informant nitong nakaraang mga lingggo at kinunan ng litrato ang isang QR code na naa-access sa may buffet area.
Kapag ini-scan aniya ito ay sasambulat ang Telegram group na may pangalang na “Hongsheng” para suportahan ang overseas bosses, at may lamang video ng mga anti US statement at panawagan na pagsilbihan ang kanilang ‘motherland’.
Ayon pa kay Hontiveros, bahagi rin si She ng mga kumpanya dito sa Pilipinas, Myanmar at Cambodia, at gumamit ng iba’t ibang mga pangalan.
Samantala, hindi naman nakadalo sa pagdinig ngayong araw si dismissed Mayor Alice Guo.
Hindi kasi siya pinayagan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) dahil may naka-schedule ngayong araw na pagdinig sa mga kasong qualified trafficking laban sa kanya.
Habang si Cassandra Li Ong naman ay may sakit daw kaya wala rin sa hearing ngayong araw. | ulat ni Nimfa Asuncion