Sinara na ng Philippine Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang pagdinig nito tungkol sa operasyon at iligal na aktibidad ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.
Umabot sa labing anim ang mga naging pagdinig ng kumite tungkol sa nasturang isyu na sinimulan pa noong November 2022.
Sa halos dalawang taong tinalakay ito ng Senate panel, iba’t ibang mga isyu na ang nasiwalat gaya na lang ng katiwalian sa Bureau of Immigration (BI); torture sa mga POGO hub; pagbibigay ng pekeng Philippine birth certificate sa mga dayuhan; paggamit ng ilang dayuhan ng pekeng pagka-Pilipino para makatakbo sa eleksyon at makakuha ng posisyon sa gobyerno; money laundering; pagkakaroon ng mga scam hubs at iba pa.
Sa pagdinig ngayong araw, kabilang sa mga tinutukan kung paanong nagagamit ang mga scam hub sa pag-eespiya at sa pagpapakalat ng fake news.
Giit ni Sena. Risa Hontiverso, nakakabahala na pati ang demokrasya ng bansa at ang ating national security ay nalagay na sa alanganin dahil sa pagpasok ng mga POGO sa Pilipinas.
Sa pagsasara ng POGO hearing, tiniyak ni Hontiveros na tututukan niya ang aksyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kaugnay ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ganap nang ipatigil ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Sa panig aniya ng Mataas na Kapulungan ay may commitment na si Senate President Chiz Escudero na ipaprayoridad ang pagpapasa ng Anti-POGO Bill para masigurong hindi na makakabalik ang industriyang dito sa ating bansa.
Nangako rin ang mambabatas na magpapasa sila ng mga batas para paigiting ang mga sistema kontra sa mga iregularidad na nadiskubre sa kanilang mga naging pagdinig.| ulat ni Nimfa Asuncion