Binahagi ng Presidential Anti-organized Crime Commission (PAOCC) na lumipat na mula sa Luzon ang mga guerilla operation o ang mga maliliit na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, sinabi ni PAOCC Director Winnie Quidato na nagpapanggap na ang mga ito na mga Business Process Outsourcing (BPO) companies.
Aayon kay Quidato, napansin nilang dumami ang mga flight na papunta sa mga lugar sa Visayas kung saan na-monitor ang mga dating nagtratrabaho sa mga POGO.
Aniya, dahil sa Executive Order 74 na ibinaba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay dapat nagsasara na ang mga legal na POGO na binigyan na lang ng hanggang December 31 para makapag-operate.
Pero may mga namo-monitor aniya silang dating malalaking POGO na libu-libo ang mga tauhan na nagbe-breakdown na ngayon sa maliiit na grupo.
Ang ilan pa aniya sa mga ito ay nag-a-apply sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang mga BPO.
Siniguro naman ni SEC Assistant Director Jonathan Paguirigan na kinikilatis nilang mabuti ang mga nagrerehistro bilang mga BPO at may nakalatag na silang patakaran para ipasara ang BPO na mapapatunayang nag-o-operate bilang POGO.| ulat ni Nimfa Asuncion