Dumistansiya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang himukin ng dating Pangulo ang AFP na kumilos laban sa anito’y ‘fractured government’.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Padilla, bagaman iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag ng dating Pangulo, mas mainam na hindi na sila magbigay ng komento hinggil dito.
Wala rin aniyang pangangailangan sa kanilang hanay na magsagawa ng ‘loyalty check’ dahil nananatili silang tapat sa Saligang Batas gayundin sa chain of command.
Giit pa niya, nananatiling buo at hindi matitinag ang hanay ng militar sa kabila ng mga anito’y ingay pulitika. | ulat ni Jaymark Dagala