Sa botong 18 yes, 0 no, 1 abstention pasado na sa 3rd and final reading ng Senado ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon o ang 2025 General Appropriations Bill (House bill 10800).
Si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang nag-abstain sa botohan
Nagkakahalaga ang panukalang 2025 national budget ng P6.352 trillion.
Matatandaang may urgent bill certification mula sa malakanyang ang 2025 budget bill kaya matapos isara ang period of ammendments at maaprubahan sa 2nd reading ay agad rin itong naaprubahan sa 3rd and final reading.
Bago ito, nilatag ni Senate Committee on Finance Chairperson Senadora Grace Poe ang ilan sa mga committee ammendments sa budget bill.
Kabilang na diyan ang dagdag pondo para sa free higher education program ng pamahalaan at dagdag subsidiya para sa mga mag-aaral mula sa mga low-income households.
Bibigyan rin ng tamang kompensasyon ang mga guro para sa teaching overload at naglaan ng para sa pagbibigay ng scholarship grants para sa mga kukuha ng guidance counselor degree.
Sinabi rin ni Poe na pinalawig rin nila ang assistance to individuals in crisis situation (AICS) program ng DSWD at pinalawak rin ang subsidiya para sa 4PH program ng DHSUD.
Binigyang diin rin ng senadora na dinagdagan ng senado ang pondo para sa AFP modernization program at National Disaster Risk Reduction Management Fund (NDRRMF) o mas kilala sa tawag na calamity fund.
Para naman aniya ganap na maipatupad ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na total POGO ban sa Pilipinas, dinagdagan rin ng Senado ang alokasyong pondo para sa Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC)
Ito ay para makapag-empleyo sila ng dagdag na mga tauhan sa pagpapatupad ng mga crackdown sa mga POGO lalo na sa mga nag-ooperate underground.
Pinaglaanan rin ng pondo ng Senado ang paghahanda para sa hosting ng Pilipinas ng ASEAN Summit 2026.
Sa ngayon ay aantabayanan na isailalim sa bicameral conference committee ang 2025 budget bill para mapagkasundo ang hindi magkakatugma sa bersyon ng Senado at Kamara ng 2025 GAB. | ulat ni Nimfa Asuncion