Hindi muna itutuloy ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatakda ng suggested retail price (SRP) sa sibuyas.
Ito ang kinumpirma ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez na batay sa naging desisyon ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
Paliwanag nito, nais ni Usec. Panganiban na masusing pag-aralan pa ang cost structure bago magpalabas ng SRP.
Sa naunang rekomendasyon, itinutulak na maipatupad ang ₱140/kg na SRP sa puting sibuyas at ₱150/kg sa pulang sibuyas.
Ayon kay Estoperez, ayaw nilang maulit ang naging sitwasyon noon kung saan nagpatupad ng SRP ngunit hindi naman nasunod ng retailers.
Sa kabila naman ng desisyong i-hold muna ang pagtatakda ng SRP, tiniyak ng DA na nananatili itong nakatutok sa mga hakbang para mapababa ang preyso ng sibuyas sa merkado.
Kasama na rito ang patuloy na monitoring at pag-iinspeksyon sa mga cold storage facilities at pagkumbinse sa mga trader na huwag ipitin ang suplay at presyo ng sibuyas. | ulat ni Merry Ann Bastasa