Desidido na si Secretary Larry Gadon ng Office of the Presidential Adviser on Poverty Alleviation na isampa ngayong umaga sa Korte Suprema ang disbarment case laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Ito ay may kinalaman sa pagmumura at pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi ni Gadon na maliwanag umano ang ginawang paglabag ni Duterte sa Cannon Law at Conduct of Ethical of Professional Responsibility bilang isang abogado.
Alas-9 ng umaga ang inaasahang pagtungo ni Gadon sa Korte Suprema para ihain ang disbarment case laban sa Bise Presidente.
Samantala, kinumpirma naman ni Atty. Camille Ting, tagapagsalita ng Supreme Court, na may naunang isinampang disbarment laban kay Duterte noong Oktubre 2024 mula sa isang anonymous sender na may kinalaman naman sa naging pahayag nito na ipahuhukay niya ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani at itatapon sa West Philippine Sea.
Maliban dyan, nakabinbin din sa Korte Suprema ang isa pang disbarment ni Duterte na may kaugnayan naman sa panununtok niya sa isang Sheriff noong siya ay alkalde pa ng Davao City. | ulat ni Mike Rogas