Posible maharap sa kasong plunder ang mga special disbursing officers (SDO) ni Vice President Sara Duterte dahil sa paglabag sa itinakdang proseso kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
Matatandaan na sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee lumabas na ang mga pondo ay ipinasa ng mga bonded SDOs na sina Gina Acosta at Edward Fajarda sa mga security officers sa halip na maayos na pamahalaan.
“If this was taken for personal gain, if it was proven fictitious and erroneous yung ARs (acknowledgement receipts) to justify the taking of this amount, that could be malversation proper or worse, plunder kasi lampas na po ito sa P50 million,” ani 1RIDER Rep. Rodge Gutierrez.
Giit 1RIDER Rep. Rodge Gutierrez na ang pagpapasa ng confidential funds sa mga security officers mula sa labas ng ahensya ay hindi lamang paglabag sa patakarang nakapaloob sa Joint Memorandum Circular 2015 kundi nagbukas din ng malalaking puwang sa pananagutan.
“What have been delegated cannot be delegated further. Yung bonded officer dito, yung SDO dapat siya yung responsible. Ngunit pinasa pa po sa security officer na cannot even account to us now,” ayon pa sa mambabatas.
Sinusugan ito ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon Committee.
Sabi niya ang pagkakatiwala ng mga pondo sa mga hindi awtorisadong tao, kabilang ang mga security personnel, ay malinaw na paglabag sa mga protokol.
Kinondena naman ni La Union Rep. Paolo Ortega ang nakakasanayan nang mga iregularidad.
“Because they were too comfortable sa setup na yun, parang wala na lang, hindi na sinusunod ‘yung protocols nila. I wouldn’t be surprised if hindi lang sa security binibigay ‘yan, baka kung sino-sino pa or driver na lang,” dagdag pa ng kongresista.
Pinuna din niya ang pagiging bahagi ng mga tauhan mula sa labas ng mga civilian agencies, tulad ng militar, na lalo aniya nagpapahina sa kredibilidad ng proseso ng disbursement.
Dahil dito itutulak ng mga mambabatas ang pagkakaroon ng reporma sa paghihigpit ng regulasyon ukol sa confidential funds.
“We might push for legislation to really set the bounds and limitations ng mga SDOs natin and siguro stronger penalties for that responsibility,” ayon kay Gutierrez. | ulat ni Kathleen Forbes