Pinuri ni Quezon City Representative Marvin Rillo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang isa sa mga pangunahing dahilan sa 26% pagbaba ng bilang ng mga batang manggagawa sa bansa.
Ayon kay Rillo, ang pangunahing programa ng gobyerno para sa pag-unlad ng human capital ay malaking tulong upang hikayatin ang mahihirap na pamilya na ipasok sa eskwela ang kanilang mga anak.
Ito ang pahayag ng mamambabatas kasabay ng selebrasyon ng National Children’s Month.
Anya, walang duda na ang 4Ps ay unti-unting nakakatulong upang mailagay at mapanatili ang mga bata sa eskwelahan, kung saan dapat sila matuto ng tamang edukasyon.
Ang 4Ps ay nagbibigay ng cash grants sa mga mahihirap na pamilya, kapalit ng pagsunod sa mga kondisyon tulad ng pagpapaaral ng mga anak, regular na pagpapatingin sa health centers, at pagdalo sa mga family development sessions.
Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong nakaraang linggo, bumaba sa 1.09 milyon noong 2023 mula sa 1.48 milyon noong 2022 ang bilang ng mga batang manggagawa edad lima hanggang 17 taon.
Para sa taong 2025, umaabot sa P114.2-B ang alokasyon para sa 4Ps program. | ulat ni Melany Reyes